Tuesday, October 19, 2010

Ang Huling Synopsis (Episodes 12- Epilogue)

EPISODE 12: MALAKING SAKUNA

Naghahapunan sa komedor sina Kapitan Tiyago, Linares at Tiya Isabel. Nagdahilang walang gana si Maria Clara kumain at nakaupo sa piyano, kasama ang masayahing si Sinang na bumubulong sa kaniya ng mga mahiwagang parirala, samantalang, palakad-lakad sa magkabilang dulo ng sala ang di-mapalagay na si Padre Salvi. Hinihintay ni Maria Clara ang pagdating ni Ibarra. Dumating si Ibarra ika-walo ng gabi. Nagdasal silang lahat sa pamumuno ni Padre Salvi na nanginginig ang tinig. Pagkatapos, bigla nagkaroon ng mga putukan. Nanumbalik naman ang katahimikan. Tinawag ng alperes si Padre Salvi at sinabi na tapos na raw ang mga pagputok. Nagmamadali umalis si Ibarra sa bahay ni Kapitan Tiyago at uuwi siyang mag-isa patungo sa kanyang bahay. Naghanda si Ibarra ng isang maleta at inayos ang kanyang mga gamit na daldalhin. Ngunit, biglang dumating ang mga Sibil at dinakip siya.

Noon iniwan ni Elias si Ibarra sa kanyang bahay, tumakbo siya na tila walang tiyak na tutunguhin. Nakarating siya sa dalampasigan. Lumusong siya sa tubig hanggang sa dibdib na niya ang lalim nito. Napatigil siya at napunang malalim na narating niya nang nakarinig ng mga putukan sa bayan. Dali-dali umahon siya at pumunta sa bayan. Mukhang walang tao sa bayan. Umiwas si Elias na makasalubong ang mga Guwardiya Sibil, kaya dumaan siya sa mga taniman at halamanan.

Tumungo siya sa bahay ni Ibarra. Narinig ni Elias ang pag-uusap ng mga katulong tungkol sa paghuli ng kanilang panginoon. Pagkatapos malaman ang naganap doon, tumuloy siya sa tanggapan sa loob ng bahay ni Ibarra. Nakita ni Elias ang mga papeles at aklat. Natagpuan din niya ang mga sandata, ang mga supot ng salapi at mga alahas. Binuo niya muli sa isip ang mga nangyari noon at nang makita ang napakaraming papeles na maaaring makapanganyaya, inisip na ipunin ang mga ito, ihulog sa bintana at ibaon sa lupa.

Tumanaw siya sa may hardin, at sa liwanag ng buwan, nakita niyang dumarating ang dalawang Guwardiya Sibil. Gumawa kaagad ng pasiya si Elias. Ibinunton ang mga damit at papeles sa gitna ng tanggapan, binuhusan ng petroleo ng lampara at sinindihan. Nagmamadali siyang nagsukbit ng mga sandata, nakita ang retrato ni Maria Clara at inilagay ito sa isa sa mga supot at dala ang mga ito sabay tumalon sa bintana. Nakaabot sa laboratory ang makapal na apoy at sumabog iyon. Nasunog ang bahay ng mga Ibarra.


EPISODE 13: ISINUMPA

Nag-iiyakan ang mga kaanak ng mga hinuli sa pag-aalsa. Nagtakbuhang tila baliw ang mga kamag-anak ng mga bilanggo. Nagtungo sila sa kumbento at sa kuwartel, mula sa kuwartel tungo sa tribunal. Sinisisi ng mga kaanak si Ibarra sa pagkabilanggo ng kanilang mahal sa buhay.

Pagsapit ng ikalawa ng hapon, isang karitong walang bubong at hila ng 2 baka ang huminto sa harap ng tribunal. Lumabas ang dalawampung sundalo at pinaligiran ang sasakyan. Saka lumabas ang mga bilanggo. Kasama ni Ibarra sina Don Filipo at iba pa. Nagpagapos si Ibarra sa mga Sibil. May kamag-anak ang bawat bilanggo tang lang si Ibarra ay wala. Napalitan ng poot sa binata ang hapis ng mga kamag-anak. Pinaratangan siyang pasimuno ng pag-aalsa. Tiniis ni Ibarra nang tahimik, walang sama ng loob ang makatarungang higanti ng napakaraming nasugatang puso. Iyon ang pahimakas, ang huling paalam ng kanyang bayang kinaroroonan ng lahat ng kanyang pag-ibig. Mula sa isang mataas na pook, tinatanaw ni Tandang Tasio ang pag-aalis ng mga bilanggo. Hindi na niya naabutan ang mga taong nabilanggo dahil sa kanyang karamdaman. Kinaumagahan, natagpuan siyang patay ng mga pastol sa pinakabungad ng kanyang ulilang tahanan.


EPISODE 14: IKAKASAL SI MARIA CLARA

Si Kapitan Tiyago lamang ang may kayang Pilipino na hindi nabilanggo. Dumating sina Donya Victorina, Don Tiburcio at Linares sa bahay ni Kapitan Tiyago. May usapan na sina Kapitan Tiyago at Donya Victorina na ipapakasal na kay Linares si Maria Clara sa loob ng madaling panahon at kinabukasan din ay maghahanda si Kapitan Tiyago ipahayag ang pag-aasawa ni Maria Clara. Maraming pumipintas kay Maria Clara. Dahil siya ay papakasal daw sa panahong malapit ng bitayin ang dating kasintahan. Si Padre Salvi ay aalis na sa San Diego. Tumaas ang kanyang tungkulin pati na rin sa alperes. Lilipat na sa ibang lugar silang dalawa. Nagpahayag naman si Tenyente Guevarra na kung hindi masyadong nagtiwala sa sinusulat ng ilang tao ay siguradong absuwelto sana si Ibarra. Ang pahayag na ito at ang himig ng kanyang pagsasalita ay lubhang ikinamangha ng mga nakikinig, hindi malaman kung ano ang sasabihin. Tumingin si Padre Salvi sa ibang dako, marahil upang hindi makita ang malungkot na sulyap na ipinukol sa kanya ng matanda.

Nagpahatid sa silid si Maria Clara kay Tiya Isabel at doon nagkunwari natutulog siya. Nang tumahimik na at nakaalis na ang mga panauhin ay nagtungo sa asotea ang dalaga. May bangkang tumigil sa tapat nito. Umakyat sa asotea si Ibarra. Sinabi kay Maria Clara na ito taksil ngunit siya ay pinatawad na. Pinigil siya ng dalaga. Nagpaliwanag ang dalaga na may tao na hindi mapahihintulutan ang kanilang pag-iisang dibdib, sapagkat ibinabawal ng kanyang budhi at mapipilitan ang taong (Padre Salvi) ito ibunyag sa madla dahil ang ama ni Maria Clara ay si Padre Damaso. Nagpaliwanag din ang dalaga tungkol sa sulat- kung bakit ibinigay niya ito kay Padre Salvi. Ipinakita sa binata ang dalawang sulat ng ina sa kura. Nagtanungan ng mga balak ang bawat isa. Sumumpa si Maria Clara na minsan lamang siyang umibig. Ipinagtapat ni Ibarra na siya ay isang takas sa bilangguan. Bumalik si Ibarra sa bangka. Nakita ni Maria Clara si Elias.


EPISODE 15: PAGTAKAS HANGGANG LAWA

Balak ni Elias na itago si Ibarra sa isang kaibigan sa Mandaluyong at saka mangibang-bayan siya sa madaling panahon. Niyaya ni Ibarra na sumama sa kanya si Elias sa ibang bayan ngunit tumanggi si Elias. Dahil mas gusto niya na makiramay at tumulong sa mga paghihirap ng sariling bayan. Hindi na rin mangibang-bayan si Ibarra. Ibig ni Ibarra na siya ay maging filibustero. Dumaraan sila sa tapat ng palasyo ng Heneral at maligalig na kumikilos ang mga Guwardiya Sibil. Tila napuna na ang kanilang pagkatakas. May daraanan silang tanod. Pinahiga ni Elias si Ibarra at tinabunan ng damo. Nakaraan sila sa tanod. Tumuloy sila sa Ilog Pasig, lumiko muna sa Ilog Beata patungong Pandakan sapagkat sabi ni Elias sa tanod ay nagrarasyon ng damo sa mga kura sa Maynila. Nag-usap muli ang dalawa. Hindi pumayag si Elias na maghimagsik si Ibarra. Hindi pa raw nakahanda ang bayan. Kaya nagpasiya si Ibarra na mag-isang mag-aalsa. Lumabas silang patungo sa Ilog Pasig.

Nag-usap sila paminsan-minsan hinggil sa iba’t ibang bagay. Magbubukang-liwayway nang sapitin nila ang lawa, maamo at payapa tulad ng isang napakalaking salamin. Pumupusyaw ang buwan at pumupula ang Silangan. Sa may kalayuan, napansin nila ang isang bagay na abuhin at unti-unting papalapit. Bulong ni Elias ay may dumarating na falua. Pinapahiga ni Elias si Ibarra at tatabunan niya ng mga bayong. Inisip ni Elias bumalik sa Pasig, higit na matulin ang Bangka niya kaysa kasalubong. Ngunit sawing kapalaran! Isa pang bangka ang lumitaw buhat sa Pasig at kitang-kita ang kumikintab ng mga bayoneta ng mga Sibil. Sina Elias at Ibarra ay naipit sa pagtakas. Nagsimulang sumagwan nang buong lakas patungo sa Pulo ng Talim. Tumalon sa ilog si Elias para mahirapan mahuli siya. Lalangoy at sisisid sa ilalim ng tubig si Elias, ilalayo ni Elias si Ibarra sa mga Sibil para makaligtas si Ibarra. May usapan sina Elias at Ibarra sa Noche Buena magkikita sa libingan ng Ingkong ni Ibarra. Nagtagal ang paghahabulan. Malayo na ang munting bangka ni Ibarra. Palapit naman nang palapit sa pampang, mga limampung dipa na lamang ang lumalangoy. Napapagod na ang mga naghahabulan. Sa huling pagkakataon, nakita nila itong mga sampung dipa na lamang ang layo sa pampang at pinaulanan nila ng punglo. Pagkatapos, tumahimik ang ulilang lawa. Makaraan ng kalahating oras, ipinilit ng isang sumasagwan na nakakita ito sa tubig malapit sa pampang, ng mga bahid ng dugo.


EPISODE 16: NAGPALIWANAG SI PADRE DAMASO

Walang halaga ang mamahaling mga regaling pangkasal na nakatambak sa mesa. Nakatingin ang dalaga, ngunit hindi nakikita ni nababasa, sa peryodikong nagbabalita sa pagkamatay ni Ibarra-nalunod sa lawa. Masayang dumating si Padre Damaso. Nakita niya na napakalungkot ng dalaga. Sinuyo naman siya ng padre. Ipinagtapat ng dalaga na tulungan ang kanyang ama sirain ang kasal. Sinabi ni Maria Clara, noon daw buhay si Ibarra ay makakaya niyang mabuhay nang nagtitiis ngunit ngayong patay na ang binata ay wala na katuwirang magtiis pa siya. Muling humiling si Maria Clara na ipasok siya sa kumbento, kung hindi siya payagan ay magpapakamatay na lang siya. Sa huli ay pumayag din si Padre Damaso.


EPISODE 17: NOCHE BUENA

Sa dako ng kabundukan may malapit na batis, nakapugad sa gitna ng mga punongkahoy ang isang dampa, itinayo sa mga baluktot na torso. Dito nakatira ang isang mag-anak na Tagalog na pangangaso at pangangahoy ang ikinabubuhay. Dalawang bata ang naglalaro sa tabi ng isang maputla, namimighati may malalaking mata at tumitimo ang tingin, na nakaupo sa isang buwal na punongkahoy. Siya si Basilio, anak ni Sisa. Nagsabi ang Ingkong ng mga bata na ipagbili ang mga nagawang walis para makabili sila ng kahit ano bagay nais nila dahil Pasko na. Humiling si Basilio na pumunta sa bayan upang makita ang kanyang ina at bunsong kapatid. Pinayagan naman ng Ingkong.
Samantala, sa bayan ng San Diego sa bahay ni Kapitan Basilio nakita nina Don Filipo at Kapitan Basilio pagala-gala sa labas ang baliw na si Sisa. Dumating si Basilio sa San Diego. Tumakbo siya patungo sa plasa na pinanggagalingan ng awit ni Sisa. Natagpuan ni Basilio ang bahay nila, walang tao at sira-sira na. Nabatid pagkaraan ng maraming pagtatanong na nabaliw ang kanyang ina at lumalaboy sa buong bayan. Wala siyang nakuha kahit isang balita tungkol kay Crispin.

Narinig ni Basilio ang awit ng ina sa tapat ng bahay ng bagong alperes. Inutos ng mabait na asawa ng alperes ang sundalo upang papasukin si Sisa sa kanilang bahay. Subalit, biglang tumakbo si Sisa nang marinig ang mga lumalapit na sundalo. Sinundan siya ni Basilio. Naghagis ng bato ang sundalo at tinamaan sa ulo ang bata. Hindi ito pinansin at nagpatuloy sa pagtakbo para habulin ang ina. Nakarating sila sa kagubatan. Nakita ni Basilio sumuot ang ina sa kasukalan at pumasok sa pintuang kahoy na nagtatanod sa puntod ng matandang Espanyol sa paanan ng balete. Nakatukod ang ulo ni Sisa sa pinto. Tumawag sa pansin ni Sisa ang mga lagitik ng sanga, lumingon at umanyong tatakas, Subalit niyapos siya at pinupog sa halik ng nagpatihulog na anak, na nawalan ng malay pagkatapos.

Nakita ni Sisa ang noong naliligo sa dugo, tinunghayan ito, pinagmasdan ang mukha at pinukaw ng maputlang anyo nito ang mga natutulog na himaymay ng kanyang utak. Nakilala niya ang anak at pumulas ang isang sigaw. Nalugmok siya sa walang-malay na bata, niyayakap ito at hinahalikan. Nang matauhan si Basilio, nakita niya walang-malay ang ina. Niyakap ng sawimpalad ang bangkay at buong pait na tumangis. Walang handog ang gabing Noche Buena kay Basilio kundi pagiging ulila. Umiyak at humibik nang labis ang bata. Nang magtaas ng ulo, nakita niyang kaharap ang isang duguan lalaki at tahimik siyang minamasdan. At tinanong si Basilio kung siya ang anak ng namatay. Tumango si Basilio. Nais ni Basilio ilibing ang ina. Ngunit, wala siyang salapi. Inutusan ng duguan lalaki si Basilio na kumuha ng panggatong sa pampang ng batis, ipatong niya ang mga bangkay (sa kanya at sa ina niya) takpan ito ni Basilio at sindihan, pagliyabin hanggang maging abo sila. Ibinilin din ng lalaki na kung walang dumating, humukay sa lugar na kinalalagyan nila, at may matatagpuan ng maraming kayamanan. Mag-aral daw si Basilio nang mabuti. Bago namatay ang duguan na lalaki, nagwika siya hindi na niya makikita sumilay ang bukang-liwayway ng kanyang bayan!


EPILOGO

Magmula nang pumasok si Maria Clara sa kumbento, iniwan ni Padre Damaso ang bayan upang manirahan sa Maynila. Gayundin si Padre Salvi, na habang naghihintay ng isang bakanteng mitra ay ilang ulit nagsermon sa simbahan ng Santa Clara dahil si Maria Clara ay nandito nagmongha sa kumbentong ito. Hindi pa nakakaraan ng ilang buwan, tumanggap si Padre Damaso ng isang utos mula sa Lubhang Reberendo Padre Probinsiyal upang maging kura sa isang napakalayong lalawigan. Sinasabing labis niya itong dinamdam dahil natagpuan siyang patay kinaumagahan sa kanyang silid.

Naging lubhang malungkutin si Kapitan Tiyago dahil sa pagmomongha ni Maria Clara. Hindi na siya nagsisimba tulad ng dati, nalulong siya sa liyampo at sabong, nagsimula na rin humitit ng opyo. Nais niyang mag-isa mamuhay kaya pinauwi si Tiya Isabel sa Malabon o sa San Diego.

Wala nang tumawag kay Don Tiburcio upang magpagamot. Si Donya Victorina ay nagpadagdag ng mga pelukang mga kulot at Andaluzamiyento na naging natural niya na salita. Si Linares ay namatay dahil sa disenteriya.

Ang alperes ay bumalik sa Espanya naiwan ang kanyang asawa na si Donya Consolacion sa Pilipinas.

May mga balita na nabaliw si Maria Clara dahil isang bumabagyong gabi ay nakita siya ng dalawang sundalo sa bubong ng kumbento nakatayo at nagpapaulan. Kaya, may dumalaw sa kumbento at nais niya pangalagaan ang baliw. Ngunit, hindi ipinahintulot ng abadesa ang pagpasok sa klaustro, sa ngalan ng Relihiyon at mga Banal na Tuntunin ng Orden.

No comments:

Post a Comment